Hinahasang Karit

Ni Alyn Santos

(Interactive Gallery)

Sa pagbukang liwayway ay nag-uunahan nang tumilaok ang mga manok, senyales na ito ng isang mahabang araw para sa mga magsasaka ng Sitio Baluarte sa Barangay San Roque, San Jose Del Monte, Bulacan. Salakot sa ulo, bota sa paa, at mahigpit na tangan ang karit: makabuluhang maghapon na naman ang gugugulin.
 

Ang karaniwang tanim ng mga magsasaka sa Sitio Baluarte ay mga prutas at gulay gaya ng buko, saging, gabi, sitaw, ube, santol, talong at iba pang klaseng pagkain ngunit hindi gaya ng ibang magsasaka ay hindi sila nagtatanim ng palay.
 

“Mataas kasi yung area namin, kumbaga hindi applicable yung palay kaya mga prutas at gulay talaga karaniwan”, ayon kay Muray Manalo, 31 taon nang nagsasaka sa lugar. Mula 1989 ay nagsasaka na siya sa Sitio. Aniya, inisyuhan sila ng Department of Agrarian Reform (DAR) ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA) upang magkaroon silang mga magsasaka ng karapatang sakahin ang lupa at gawing produktibo.

Nitong ika-4 ng Hulyo ay nagsagawa ang mga magsasaka ng kung tawagin nila ay Batarisan. Dito’y sama-sama nilang binungkal at nilinis ang pitong ektaryang taniman ng saging. Pinapraktis ang Batarisan upang tulungan ang kapwa magsasaka na linisan at tamnan ang lupa. “Ngayong araw, dito sila sa isang tao maglilinis, tulungan nila maglinis ng taniman nila. Kinabukasan, doon naman sa isa. Tulong-tulong din sila maglinis doon hanggang sa ikutan hanggang sa malinis lahat”, saad ng magsasakang si Roel.

“Madalas kami maglinis kapag ganitong tag-ulan kasi mas mabilis lumaki ang damo ‘eh, para malinis yung taniman para makasibol nang maganda yung mga bagong suhi ng saging”, sabi pa ni Muray. Dito na naalala ni Muray ang hindi malilimutang kalabaryo, halos isang taon daw kasi silang gumigising kada umaga na nakatumba o di kaya’y sira ang pananim nilang saging.

“Di na raw kami dapat magtanim, hindi raw amin yung lupa kaya dapat di na kami magtanim. Naranasan namin na nagtanim kami ng saging ngayon, kinabukasan pagbalik namin ‘yung mga saging na ‘yan ay nabunot na. Ginagawa namin- itanim namin ulit, no’ng tinanim namin ulit, kinabukasan ay tagpas na yung saging. Ang gagawin namin, palitan namin ng panibagong suhi, gano’n. Mga isang taon kaming gano’n. Paulit-ulit naming ginagawa, pag sinisira nila, tinatayo namin. Pag tinayo, sisirain na naman nila”, paliwanag ni Muray.

May pagkakataon pang may mga nagpuntang ‘di umano’y suveryor na balak sukatin ang kanilang lupaing sinasaka, may kasama din itong mga pulis na may bitbit pang mga baril. Sabi ni Muray, taong 1997 kinansela ang kanilang CLOA sa kadahilanang hindi raw ito angkop pagtaniman. “… yung area kasi, 18 degrees slope daw. ‘Yun ang grounds na inano (sinampa) nila sa amin kaya natalo kami sa kaso.” Dagdag pa niya, “Ang pinofront sa’min, nabili na ‘yung lupa at susukatin na raw kasi nabili na raw. Kami naman, ‘di kami papayag”, at nang hanapan nila ang surveyor ng katibayan na nabili na ang lupa ay wala itong mailabas na kahit anong kasulatan. “Kung talagang nabili niyo na, bigyan niyo kami ng court order”, may paninindigang sabi ng mga magsasaka.

(Interactive Gallery)

(Interactive Gallery)

Ayon sa tala ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA), 63 bilanggong pulitikal na mga babaeng pesante at 333 magsasaka na ang namatay sa ilalim ng rehimeng Duterte. Higit pa rito’y naranasan na rin ng mga magsasaka sa Sitio Baluarte ang matutukan ng baril sa ulo nu’ng minsang harangin nila itong manggalugad sa kanilang lugar. “Naranasan namin na tinutukan kami ng baril na kapag daw di kami tumigil, patayin daw kami. Hindi naman kami nagpasindak kasi sabi namin, marami kami ‘eh”, kwento ni Manalo.

Sa kabila ng lahat ng karahasang ito ay tiklop ang bibig ng pamahalaan ng San Jose Del Monte. “Parang wala talaga kaming maaasahang tulong sa kanila kasi kahit ano yung daing namin na tulungan kami, hindi namna pabor sa amin yung city(hall)”, daing ni Muray. Dagdag pa niya, “Bigyan lang kami ng pa-sachet sachet ng buto, ‘yun lang ang inano sa amin”. Wala ring sinuman sa mga magsasaka sa Sitio ang nakatanggap ng ayudang pinansyal mula sa gobyerno.

Anumang delubyo ang maranasan ng mga magsasaka, wala pa rin sa mga ito ang makapagpapatigil sa kanilang ipaglaban ang karapatan nila sa lupa, ang karapatan nilang mabuhay. Habang patuloy na nagugutom sa hustisya ang sektor na nagpapakain sa sambayanang Pilipino, patuloy silang maninindigan. Umalingasaw man ang pasismo at maging malansa man ang lupa’y bubungkalin nila ito, magtatanim ng bagong buto at sisibol ang bagong bunga. Katwiran nila, bala lamang ang kayang itanim ng mga baril at hindi pagkain.